Political Thought and Contemporary
Debates in Philippine Democracy

CLASSICAL POLITICAL THEORY

Why (and How to) reread the Western canon of political theory for non-Western students of political science

SHARE THE ARTICLE TO YOUR SOCIALS

Puti. Lalake. At patay na. White, males, and long dead. Marami sa atin ang minsan pa sa ating pag-aaral ay nakilala, nabasa, o namemorya para sa isang pagsusulit ang mga pangalan nila:  Socrates, Plato, Aristotle, Augustine, Machiavelli, Hobbes, Locke, Rousseau, Hegel o Marx. 

Ito ang mga pangalan ng mga sinasabing haligi o pundasyon ng tinanggap natin at nakagisnan nating “canon” o classics ng political theory. Mga pundasyon na ang mga ideya ay naka-ukit hanggang sa ngayon sa mga konstitusyon, mga batas, at mga institusyon ng mga pamahalaan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. 

Halimbawa sa pambungad na Preamble pa lamang ng ating 1987 Constitution, mababasa agad natin ang pariralang “We, the sovereign Filipino people” na naglalaman ng isang konsepto – ang konsepto ng soberanya o sovereignty na sentro ng mga kontribusyon nila Thomas Hobbes at John Locke (ng Britanya) at Jean Jacques Rousseau (ng Pransya). 

Pero karamihan sa atin, hanggang sa pangalan na lang sila kilala at yan ay kung natatandaan pa rin pagkatapos grumadweyt sa school.  

Bukod sa kadalasan na tinuturing lamang na introductory at hindi major subjects ang mga kursong nagtuturo sa mga ideay ng mga intelektwal na ito, hindi kaya isa sa mga dahilan kung bakit mahirap maalala ang mga isinulat at ipinalaganap na mga pilosopiya nila  ay dahil sa paraan kung papaano itinuturo  sa mga kolehiyo at unibersidad ang naturang mga ideyang pilosopikal? 

Halimbawa, yung pagturo sa mga isinulat nila Platon o Aristoteles o Machiavelli bilang mga abstraktong konsepto na kailangang i-memorya para sa mga pagsusulit o ipaliwanag sa pamamagitan ng mga akademikong papel sa halip na ilahad kung papaanong ang mga ideyang ito ay hinubog hindi lamang ng kanilang mga sopistikado at talentadong pag-iisip kundi pati na rin ng kanilang personal na pakikisangkot sa mga nangyayari ng kanilang panahon.

Kumbaga, ipakita kung papaanong ang mga ideya ng mga puti, lalake, at kanluranin na mga pilosopong ito ay hindi lamang mga abstraktong lutang na konsepto bagkus ay may mga kasaysayang sosyal at personal. At sa pamamagitan nito ay mailahad na ang kanilang mga ideya ay lumaganap at naging katanggap-tanggap na pundasyon o “canon” ng pag-iisip dahil merong nakinabang sa mga ito. 

Dito rin pumapasok ang isa pang maaring dahilan ng maari nating sabihing mababaw na pagpapahalaga sa mga kasulatan ng mga sinaunang pilosopo. Ito ay marahil, para sa karamihan ng mga estudyante wala namang koneksyon ang mga isinulat nila sa mga pang araw-araw na kahirapan at challenges na hinaharap natin sa ngayon. 

Pero paano kaya kung sa halip na itinuro ng mga guro sa pilosopiya o agham pulitika ang pilosopiya ni Plato hindi bilang isang diskurso sa kung papaano maging “enlightened” o marunong kundi bilang isang diskurso na naging katuwang ng mga mananakop na kolonisador upang mapangatwiranan ang marahas nilang pagsakop sa ngalan ng pagpapalaganap ng edukasyon o ng sibilisasyon?

Mula sa Textbook pabalik sa Teksto 

Isang hamon sa hangaring mas gawing relevant at interesante ang mga akda ng “canon of Western political theory” at igiit ang patuloy na pagbabasa ng mga ito sa harap ng mga akusasyong lalo lamang nating ipinapalaganap ang mga maka-kanluranin na pag-iisip sa halip na bumuo ng pansarili nating mga teorya o pilosopiya ay ang problema ng materyal sa pag-aaral. 

Kadalasan kasi textbook ang gamit sa pagtalakay ng mga akda ng mga pilosopong ito lalo na sa mga undergraduate college classes. At madalas ang mga interpretasyon sa textbook ay expository ang paraan ng pagtalakay. May kaunting kwento tungkol sa talambuhay ng manunulat pero malimit hiwalay at hindi konektado ang diskusyon ng biografia ng may akda sa mismong teksto na tinatalakay. Limitado kung gayon ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa konteksto na humubog at hinubog na sabay ng isinulat ng mga itinuturong pilosopo o pilosopiya. 

Mahalaga kung gayon na hiyakatin ang mga mag-aaral na bumalik sa teksto at masusing pag-usapan at himay-himayin ang lengwage ng mismong teksto. Sa ganitong paraan lang kasi maaaring mapaglaruan ng imahinasyon ng mambabasa o mag-aaral ang mga sinasabi ng pilosopong inaaral. 

Laro ng imahinasyon at kasaysayan

Ito sa tingin ko ang mas akma at nararapat na paraan ng pagbabasa ng mga akdang klasiko sa halip na pilitin ang mga estudyante na mai-kahon ang kanilang appreciation ng teksto sa mga sistematikong moda ng interpretasyon. 

Sa ganitong paraan din kasi mabubuwag ang mga dominanteng moda ng pagbasa ng mga teksto ng mga sinaunang pilosopo na kadalasan ay pinapalalo at pinagsisilbihan lamang ang stakes ng mga nasa kapangyarihan. 

Kailangan sa paraang ito ang pagtiwala, sa halip na pag-gabay ng guro sa kakayahan ng mga mag-aaral niya. 

Subalit kailangang i-angkla ang imahinasyon sa tatahaking landasin nito. Dito papasok ang kasaysayan. Kaninong kasaysayan? Sa kaninong kwento ikakabit at isasangkot ang paglalahad ng mga teksto ng mga sinaunang pilosopo? 

Dekolonisasyon bilang paraan ng pagbabasa 

Nitong mga nakaraang dekada, umusbong sa akademya ang pagkilos na naghahangad na buwagin ang intelektwal na paghahari-harian ng mga teoryang kasangkot sa karahasan ng kolonisasyon. Ito ang tinatawag na proyekto ng dekolonisasyon. At isa sa mga naging tagumpay ng proyektong ito ang unti-unting pagsama sa mga pilosopiyang hindi at anti-kanluranin bilang mga akdang kailangang basahin sa mga kurso ng teorya at pilosopiya. Kasama dito ang mga akda nila Frantz Fanon, mga katuruan ni Mahatma Gandhi, at iba pang mga aktibista at intelektwal na hinubog ng pakikipaglaban sa kanilang mga kolonisador. Mahalaga ang mga pagbabagong ito lalo na sa pagbukas ng kaisipan ng mga mag-aaral na ang pilosopiya ay hindi ekslusibong legacy ng kanluraning sibilisasyon.

Subalit may ilan ding bahagi ng proyekto ng dekolonisasyon na tinahak ang landas ng panunuri sa pamamagitan ng pagbalik sa teksto ng mga kanluraning pilosopo upang ipakita hindi ang katotohanan ng kanilang mga pilosopiya kundi kung papaanong muling mababasa ang kanilang mga akda na may kulay na ng paghahangad na palayain ang ating mga utak mula sa kadena ng tinanggap na nating tradisyon. Masasabing hangarin ng istratehiyang ito na ma-pluralize o maisiwalat ang mga posibilidad ng pagkilatis at pag-critique sa mga akdang klasiko. 

Sa ganitong paraan siguro mas mainam basahin ulit si Platon. Iyon bang may hawak kang kutsilyo sa halip na kandila. Hindi upang maliwanagan kundi upang baklasin ang mga bakas ng kanluranin at marahas na pilosopiya na patuloy na nananalaytay sa ating tradisyong akademiko. 

Isang halimbawa. Balikan natin ang alegorya ng kweba ni Platon sa kanyang The Republic. 

Kalimitan at dahil sa tradisyong kanluranin nafofocus ang ating atensyon sa tinig ni Sokrates/Platon na nagkwekwento tungkol sa mga bilanggo sa kweba. 

Paano kaya kung gamit ang ating kutsilyo, baklasin natin ang tinig ni Platon o ni Sokrates at ituon ang ating atensyon sa mismong katawan ng mga bilanggo. 

Paano sila nakaupo? Ano ang kanilang kinauupuan habang naka-gapos? Ano ang amoy ng kweba? Ano ang mga naririnig nila dito? 

Kapag sa ganitong paraan kaya natin binasa si Platon, kwento pa rin kaya ng karunungan ang magiging naratibo natin kapag tinanong tayo ng “so what is the argument in The Republic?”