Political Thought and Contemporary
Debates in Philippine Democracy

CLASSICAL POLITICAL THEORY

Mababang lebel na nga ba ang ating pag-uusap at diskursong pang-pulitika ngayon?

Nitong nagdaang mga linggo, naging laman ng mga balita, komentaryo, at mga usap-usapan ang patuloy na pagbabangayan ng ilang mga opisyales ng ating pamahalaan tungkol sa planong amendyahan ang ating Saligang Batas o ang 1987 Philippine Constitution. Uminit pa lalo ang mga usapin nang magtalumpati ang dating pangulong Rodrigo Duterte sa Davao na pinaparatangan ang kasulukuyang Pangulo Bongbong Marcos bilang isang drug addict – isang akusasyon na sinagot naman ni President Marcos ng paratang na lulong naman daw si Duterte sa kanyang medically-prescribed na gamot (Fentanyl). 

Obserbasyon ng ilan: tila baga napaka-baba na ng lebel ng diskursong pampulitika sa ating bansa at ganitong uri na ng lengwahe at pag-uusap ang umiiral sa pagitan ng mga matataas na opisyales ng ating gobyerno. 

Mababa. Pagbaba. 

Interestingly, sinimulan ng dakilang ancient Greek philosopher na si Plato ang kanyang akdang “The Republic” sa pamamagitan ng isang kilos ng pagbaba – isang galaw ng pagpapanaog.

“I went down to the Piraeus yesterday…” 

Ang Piraeus na tinutukoy ni Plato dito ay ang port city (daungan ng mga barkong pangkalakal) na nasa baba ng Athens. Ang Athens na tinuturing na kanlungan ng pilosopiyang kanluranin (Western philosophy) ay matatagpuan kasi sa isang burol, samantalang ang Piraeus naman ay nasa baba malapit sa karagatan. 

 

Ayon sa mga iskolar ng mga akda ni Plato, ang pagpanaog daw na ito ng main character ng The Republic na si Socrates – ang tanyag na philosopher ng Athens – ay suggestive ng kilos o galaw ng philosopher: na kailangan syang bumaba sa lebel kung nasaan ang mga karaniwang tao. Pero ang pagpanaog o pagbaba ng philosopher sa lebel na ito ay may kakabit na misyon, ani mga iskolar ng pilosopiya ni Plato. 

Ito ay upang turuan ang mga nasa baba ng karunungan na nasa possession ng mga philosophers. Sa modelong ito, lumalabas na ang mga philosophers ang nasa itaas ng spectrum ng karunungan samantalang ang mga karaniwang tao naman ang nasa ibaba nito. 

Sa teksto ng “The Republic” mababasang ang dahilan ng pagbaba ni Plato sa Piraeus ay bunsod ng kanyang curiosity. Curious daw sya sa gagawing festival ng mga mamamayan doon. 

Maaninag agad sa mga imaheng ito ng unang pahina ng The Republic ni Plato ang oposisyon o dikotimiya sa pagitan ng taas/baba: ang taas (ang Athens) na luklukan ng karunungan, ang baba (ang Piraeus) na lugar ng mga palabas o spectacles. 

Parang mga speech ni dating pangulong Duterte. 

Mala-palabas. 

Lenguwahe ng masa

Kaunting kuwento. Nung una akong gumawa ng talumpati para sa isang lokal na pulitiko, sinulat ko ito ayon sa istraktura ng isang technical report. May mga argumento, datos, at case examples. May mga inspirational messages na naglalayong pasiklabin ang damdamin ng mga nakikinig.

No reaction ang mga botanteng nakinig sa talumpati. Pumalakpak naman sila pero halatang hindi na-achieve ng aking talumpating sinulat ang hangarin o obhetibo nito. 

Nang sumunod na rally noong pulitikong kumakandidato bilang congressman, nag-extemporaneous speech sya. Nagpatawa, nagkwentong medyo naughty, kiniliti ang imahinasyon at memorya ng kanyang audience. 

Parang speech lang ni dating pangulong Duterte without the cursing, well, with only slight cursing. 

Hindi matigil ang kanyang audience sa hiyawan, kantsawan, at palakpakan. Niyapos pa sya ng mga yakap pagkatapos mag-talumpati. 

Syempre may halong inggit at disappointment ako. Ni walang lamang plano o datos ang speech nung kandidatong iyon. At di hamak na mas siksik sa kaalaman ang talumpating una kong isinulat at hinanda para sa kanya. 

Tinanong ko ang sarili ko: ganito ba ang lebel ng diskurso ng masa? 

Diskurso ng palabas? Isang spektakular na performance?

Nasa sentro ng unang sagutan sa dialogo ng The Republic ang spectacle ng pag-offer ng mga alay sa mga anito ng mga ancient Greeks, partikular na ng matandang kaibigan ni Socrates na si Cephalus. Pagdating ni Socrates sa kanyang tahanan sa Piraeus, agad nitong kinuyog si Socrates. Aniya, dapat daw ay dalasan naman ni Socrates ang pagbisita sa kanyang mga kaibigan sa Piraeus lalo na sa kanya dahil sya’y matanda na at hindi na maka-akyat sa Athens upang makipag-diskurso kay Socrates. Agad namang sinagot ito ni Socrates ng tanong kung kamusta naman ang buhay ng pagtanda. 

Namangha si Socrates sa sagot ni Cephalus na tila sinasabing natutuwa sya na sa kanyang pagtanda ay nawalan na sya ng appetite sa mga makamundong bagay katulad ng pera at sexual affairs na pinagkaka-abalahan ng mga mas nakababata sa kanya. Ang hangad na lamang daw ni Cephalus ay ang mabuhay ng ayon sa katarungan. At para sa kanya, ang pamumuhay ng ayon sa katarungan ay madali lamang kung susundin mo lang ang mga tradisyonal na sinasabi sa kung ano ito.

Sa puntong ito ng diyalogo pinakilala ni Plato ang main topic ng kanyang akda: ang pagsusuri sa kung ano nga ba ang kahulugan ng katarungan. 

Para kay Cephalus, ang pamumuhay ng ayon sa katarungan ay ang pagkakaroon ng mga resources upang wala kang pagkakautangan o wala kang magiging obligasyon na hindi mo magagampanan. Kung kaya’t maaninag sa kanyang depinisyon ng katarungan ang tradisyunal na pagkakaunawa ng mga sinaunang Griyego sa kung ano ito: ang pagbigay sa kapwa kung ano ang nararapat para sa kanya. Sa Ingles, “justice as giving what is owed or due to another person.”

Sa aking pagbasa, parang hindi namang masamang tao si Cephalus. At maging si Socrates o si Plato ay hindi sya inilarawan bilang masama. Sa totoo lang, sya yung regular na mamamayan katulad natin o ng karamihan sa atin. 

Namumuhay ng ayon sa kung ano ang “norms” o expectations sa atin ng lipunan batay sa mga umiiral na tradisyon. 

Kumbaga, isang pigura si Cephalus ng kilos ng nasa “baba”.

“Baba” hindi bilang isang moral na posisyon kundi isang sosyolohikal at geograpikong posisyon. 

“Baba” bilang the usual, yung nakasanayan na. 

Subalit ng kinulit na ni Socrates si Cephalus tungkol sa mas komplikadong dilemma ng justice o katarungan, hinayaan nitong ipasa ang pakikipagsagutan kay Socrates sa kanyang anak na si Polemarchus. 

Busy na kasi si Cephalus sa mga ritwal na gagawin sa Piraeus. 

Tradisyunal, tamad, o walang panahon? 

Balikan natin ang Piraeus bilang isang daungan kung saan marahil mabilis palagi ang takbo ng buhay. Busy ang mga mamamayan sa mga gawain ng pier o mga komersyal na transaksyon. Abala din siguro sa pakikipag-talastasan at pakikihalubilo sa iba’t ibang uri ng tao. 

Hindi ba’t ganito din ang buhay sa “baba”? 

Ng mga nasa “mababang” lebel? Ng mga taong pang-mababang lebel ang lengguwahe, katulad na lamang halimbawa ng paglalarawan ng ilan sa lengguwahe ni pangulong Duterte (at ni Pangulong Marcos sa pag-“patol” niya sa mga alegasyon ng huli)? 

Ikumpara natin si Cephalus kay Socrates. Si Socrates na mukhang may “time” na “bumaba sa Piraeus”.  At pagdating sa Piraeus ay may time pa na makipag-diskusyon tungkol sa konsepto ng katarungan. 

Ano kaya ang sinasabi ni Plato dito tungkol sa diskursong pang-baba at ang juxtaposition nya nito sa diskursong pang-“taas”? 

May mga iskolar ng mga akda ni Plato na sinasabing nirerepresenta daw ni Cephalus ang mga tamad na taong ayaw nang baguhin ang kanilang nakasanayan. Iyong mga ayaw pagtrabahuhan ang sarili nila upang ito’y ma-improve o mai-angat ang lebel ng kanilang pagkatao. 

Pero sa tingin ko hindi tamad ang mga nasa baba. Hindi tamad ang lenguwahe at kilos ng mga nasa baba. “Busy” nga sila eh. 

Dito marahil papasok ang kahalagahan ng panahon o oras sa ehersisyo ng pag-iisip o ng pamimilosopiya. 

May pribilehiyo ang pilosopo – si Socrates – ng oras at panahon. Si Cephalus at ang mga hindi kayang i-tolerate ang pagka-bangaw na pangungulit ni Socrates wala. 

Pagbaba sa lebel

Katulad ng pagbaba ni Socrates sa Piraeus upang i-satisfy ang kanyang curiosity sa isang gaganaping parada doon – isang spectacle – hindi kaya’t ang karamihan sa ating mga “philosophers” ngayon ay itinuturing ding “spectacle” ang “baba” sa pamamagitan ng kung ano anong paraan ng pag-lalahad sa kung ano ang nangyayari doon?

Dahilan na sa efforts na i-explain ang lebel na ito ay lalong napapalalim ang estado ng baba bilang isang parada lamang. Bilang isang palabas.

Parang hindi ito ang hangarin ng pilosopiyang isinusulong ni Socrates. Parang mas gusto ni Socrates na bumabad sa baba kaysa dalhin ito sa empty space ng abstraktong pilosopiya.